Actions

Work Header

I got a crush on you!

Summary:

its been six months. every school days. sa bawat araw na 'yon, walang palya. laging may pagkain sa desk ni wonwoo. may-ari nga raw ng grocery store ang kaniyang secret admirer sabi ng kaibigan. gusto niya ngang patigilin dahil ang gastos na! ang daming pagkain!

tapos may problema pa siya sa crush niya! hindi siya nito pinapansin! man of few words kumbaga!

Work Text:

1! 

 

“Uy, ang dami niyan, ah!” Manghang sambit ni Hoshi sa kaibigang si Wonwoo.

 

Nakatingin si Wonwoo sa desk niya. May isang box ng choco mallows, dalawang chuckie at isang yakult na nakalagay. 

 

Kumunot ang noo niya. Ang gastos naman! Hindi niya naman ito mauubos. Hindi rin siya mahilig sa matatamis. Siguradong yakult lang ang maiinom niya dito. 

 

“Mayaman ata nagkakacrush sayo, Wons. Ang dami magbigay lagi! Sana all!” Dagdag pa ni Hoshi at binuksan ang choco mallows.

 

“Pahingi ako ah!” 

 

Tumango si Wonwoo at umupo. “Sa'yo na lang. Ayoko sa matatamis eh.” Binigay niya ito sa kaibigan. 

 

“Okay!” Masayang tugon ni Hoshi.

 

Lumingon-lingon sa paligid si Wonwoo. Nagbabakasaling mahanap kung sino ang nagbigay. 

 

Wala namang nakatingin sa kanila. May kanya-kanyang mundo ang mga kaklase niya. Ibabalik niya na sana ang tingin sa kaibigan ngunit nahagip ng mata niya ang kaklase na nasa last row.

 

Nakapikit ito at may earphones. 

 

Sumimangot kaunti si Wonwoo. Hindi man lang tumingin sakin! 

 

Ibinalik ni Wonwoo ang tingin sa Yakult. Matalim ang tingin, maya-maya ay binuksan niya rin ito at ininom. 

 

2! 

 

“Si Seungkwan na lang partner ko. Go! Ayain mo na!” Pag-udyok sa kaniya ni Hoshi habang tinulak-tulak pa ito palikod.

 

Mayroon kasi silang activity na by pair sa Math subject nila. Syempre, ang gustong makagrupo ni Wonwoo ay walang iba kundi ang crush niya. 

 

“Mingyu, partner na lang tayo sa activity. Pwede?” Tanong ni Wonwoo pagkalapit. 

 

Tumaas ang tingin ni Mingyu at malalim na tiningnan si Wonwoo. 

 

“Sige.” Maiksing sabi nito. Inabot ang notebook kay Wonwoo.

 

Nagtaka si Wonwoo at mukhang nahalata ni Mingyu na naguguluhan ito sa pag-abot. 

 

“Tapos ko na. Kopyahin mo na lang.” 

 

Napanganga si Wonwoo. “Ha?” 

 

Tiningnan lang siya ni Mingyu na para bang nanghuhusga. “Madali lang kasi.” Maikling dagdag nito saka umalis sa harap ni Wonwoo.

 

Napapikit ng mata si Wonwoo sa inis. Mabilis niyang hinabol ng tingin ang kakaalis lang na binata. Naka-akbay na ito sa kaibigan niyang si Dokyeom. Malapad ang ngisi. 

 

Anong karapatan niyang ngumiti habang inismiran niya ang nag-iisang Jeon Wonwoo?! Bakit ang gwapo niya pa rin?! Nakakainis! 

 

Bumalik siya sa puwesto nila sa unahan. Matamang tinitingnan ang notebook ng crush niya. Si Hoshi na katabi niya ay iniinom ang isa sa dalawang chuckie na binigay ng kung sino kay Wonwoo. 

 

Napatingin din ang kaibigan sa hawak ni Wonwoo. “Grabe? May sagot na siya agad?” Hindi makapaniwalang tanong nito at binuklat ang notebook. 

 

“11 words…” Malumanay na banggit ni Wonwoo. Hinigit sa kamay ni Hoshi ang pangalawang chuckie at uminom dito. 

 

Hinagod naman ni Hoshi ang likod ng binata. Dinadamayan ito. “Achievement pa rin. Remember last week? 7 words lang yun!” Pag-aalo pa nito.

 

“Tumataas na bilang ng mga sinasabi niya sa’yo! Soon, baka siya ang yapper sa inyong dalawa! Tiwala lang!” Dagdag pa nito.

 

Malungkot pa rin si Wonwoo. Simula Grade 7 sila, hindi pa lumalagpas sa 20 words ang lumalabas sa bibig ni Mingyu kapag si Wonwoo ang kausap. Sobrang ilang sa kaniya nito. Wala namang problema sa ibang mga kaklase ngunit sobrang tipid nito sa salita pagdating kay Wonwoo. Ito ba ang special treatment na sinasabi nila… masakit… 

 

3!

 

“Curious na talaga ako sa nagbibigay sa’yo ng napakaraming pagkain! Na para bang may grocery store sila kung bigyan ka ng ganito karami? Araw-araw pa ha!” Iling na sabi ni Hoshi. Sinisipat ang nga pagkain sa desk ni Wonwoo. 

 

Merong loaded, piattos, lemon square, dutch mill, yakult, chuckie tapos ang bago ngayon sa natanggap niya ay dalawang pirasong cookies. 

 

“Salamat sa secret admirer ni Jeon Wonwoo! Hindi na bababa para bumili sa canteen!” 

 

Umirap lang si Wonwoo sa narinig. Aanhin niya naman ang ganitong karaming snacks? 

 

Aside siguro sa mabubusog siya, baka ma-UTI pa siya nito. Kung sino ka man, sana sagot mo ang pang pa-ospital ko…

 

“Ayaw mo ng piattos kaya akin na lang ha!” Binuksan ni Hoshi ang chichirya at inalok pa nito si Dokyeom na kadadaan lang sa harap nila. Kumunot pa ang noo nito at tumagal ang tingin sa pagkain. Sa huli, ngumisi ito at walang hiya ring kumuha sa plastic. 

 

“Wow, salamat. Galing ulit sa admirer ni Wons?” Pag-chismis nito kay Hoshi. Na para bang wala si Wonwoo sa harap nila. Alam naman ng lahat ng kaklase niya na may secret admirer si Wonwoo. Kahit si Mingyu alam ’yon, wala lang siyang pake. 

 

“Oo! Ang dami nga eh! Kaya lang, hindi chichirya ang hilig ni Wonwoo. Pero okay lang dahil ako na kaibigan niya ang kakain nito!” 

 

Tumawa naman si Dokyeom at nagpaalam din agad. Dumiretso ito kay Mingyu. Napasunod din ang tingin ni Wonwoo. Nagkita ang mga mata nila. Malalim ang tingin ng binata kay Wonwoo. 

 

2 seconds… Ganoon lang katagal silang nagtitigan. Binawi rin agad ni Mingyu ang tingin. 

 

Ang dalawang segundo na yun, may malisya na kay Wonwoo. ‘Wag sana siyang magselos. Alam naman niyang siya lang laman ng puso ko. 

 

4!

 

“I will only allow 4 members in 1 group. The class number is even, okay? This section has 40 students, so at the end of the day, only 10 1/4 papers will be on my desk. Walang sosobra! See you at the next meeting.” Pagkalabas ng adviser nila ay nagkagulo na ang buong klase sa paghahanap ng groupmates para sa reporting nila sa English subject. 

 

“Dokyeom, Mingyu, sa amin na kayo ni Wonwoo!” Sigaw ni Hoshi, the ever-supportive best friend ni Wonwoo. 

 

Mabilis namang lumapit si Dokyeom sa kanila. “Sige ba! Ako na sa manila paper at marker!” Pagbida ni Dokyeom. Nilingon nito si Wonwoo na nakatingin sa kaniya. 

 

Medyo nagulat pa si Dokyeom. “Hi Wons! Walang cookies?” Pagtanong nito sa kaniya habang may tinatagong ngiti. 

 

Tumaas naman ang kilay ni Wonwoo. “Meron naman… Bakit mo natanong?” Pag-usisa niya sa kaharap. 

 

Iling lang ang sagot ni Dokyeom at pumito pang naglalakad papunta kay Mingyu. 

 

May pagtatanong sa isip ni Wonwoo. Si Dokyeom ba? O alam kaya ni Dokyeom kung sino nagbibigay ng pagkain sa kaniya? Parang may kahulugan kasi ang pagtatanong nito…

 

Umiling si Wonwoo sa ideya at nag-focus na lang sa ginagawa ng katabi niya. 

 

“Huwag mo na hatiin ‘yan. May 1/4 ako dito.” Pagpigil niya sa ginagawa ng kaibigan. Lalawayan na kasi nito yung gitna ng crosswise para mag 1/4. 

 

“Jusko, Wonwoo! Ikaw na magsulat nga!” 

 

Malugod namang sinulat ni Wonwoo ang mga pangalan nila. Surname first na naka-alphabetical order ang ginawa niya kaya naman magkatabi ang pangalan nila ni Mingyu. Hehe

 

Nilagyan niya pa ng maliit na maliit na heart ang linya sa pagitan ng pangalan nila ni Mingyu. Parang tuldok lang naman ito sa sobrang liit pero dahil si Wonwoo ang gumawa nito, alam niya na hindi lang tuldok ‘yon. 

 

“Ako na magpapasa.” Nagulat siya sa nagsalita sa likod niya. Alam niya kung sino iyon. Alam na alam. 

 

“Ah. Sige ito oh. Pa-check na lang if tama yung spelling ng names.” Ani ni Wonwoo at nagbigay ng ngiti kay Mingyu. 

 

Kinuha naman ito ng binata sa kamay niya. At dahil halos hawak ni Wonwoo ang kabuuan ng papel which is sinadya niya, naramdaman niya ang pagdampi ng hinlalaki ng binata sa kamay nito. 

 

Mabilis na tumalikod si Mingyu at sumama doon sa mga kaklaseng magpapasa rin ng group members nila. 

 

Napansin niya pa na parang gumalaw ang mukha ng binata nang pagtalikod nito sa kaniya. 

 

Ang katabi niyang kaibigan ay may malawak na ngiti matapos pagmasdan ang interaksyon ng dalawa. Slow burn! 

 

Binangga niya pa ang balikat kay Wonwoo at inasar ito. “Ayan ha! Groupmates na kayo. Sana naman lampas 20 words na yan ha! Para goal achieved na!” 

 

5! 

 

Masama ang loob ni Wonwoo buong weekend. Gumawa nga sila ng report nila sa bahay ni Mingyu, ni hindi naman siya nito pinansin. Hindi siya pinansin ni Mingyu! 

 

Walang papuri sa maagang pagdating ni Wonwoo! Sa pabango niya! Sa pagpresinta niyang magsulat sa manila paper! Bumili pa siya ng apat na milktea para sa kanilang lahat! 

 

Kahit hi, hello man lang! Dedma siya! Nakakainis na ‘tong si Kim Mingyu!

 

Kaya naman pagdating sa classroom nila, inaasahan niyang may pagkain sa desk. Pampalubag loob. Pampakalma lang sana sa sarili. 

 

Pumikit-pikit pa siya sa nadatnan kasi parang may kulang sa desk niya. 

 

Walang mga pagkaing nakapatong! 

 

Mabilis siyang yumuko para i-check sa ilalim ng upuan. Baka nahulog lang. Inikot-ikot pa ang upuan, halos baliktarin niya na nga ito para hanapin lang yung mga pagkain pero wala! Hindi si Hoshi ang salarin dahil wala pa ang kaibigan sa classroom. Hindi niya mapagbinatangan ang mga kaklase dahil nagpapaalam naman ang mga ito kung hihingi sila. 

 

Parang maiiyak na lang si Wonwoo sa mga nangyayari! 

 

Mabigat siyang umupo at humalukipkip. Matalim ang tingin sa desk niya. Bakit walang pagkain?! Sa anim na buwan na merong libreng pagkain sa mesa niya, ngayong araw pa talaga naisipan ng kung sino man ang hindi maglagay! Kung kailan badtrip siya kay Mingyu! 

 

Umismid siya at nilagay ang bag sa desk. Kaya niya namang bumili… 

 

“Oh? Wala?” Bungad sa kaniya ni Hoshi pagkarating. 

 

Umiling si Wonwoo. Parang maiiyak pa rin. 

 

“Tumigil na?” Dagdag na tanong pa ng kaibigan. 

 

Walang sinagot si Wonwoo. Malayo ang tingin nito. Tulala. 

 

“Hindi mo man lang nakilala…” Rinig pa nitong sabi ng kaibigan. 

 

Hindi nagpakilala! Tumigil na lang basta! Wala na siyang pake! 

 

Napatingin ito sa pintuan nila. Pumasok ang dahilan ng inis niya buong weekend. 

 

Napatingin din sa kaniya ang binata. May dalang paper bag. Malalim ang mata. Mukhang kulang sa tulog. Buti naman! 

 

At least, alam ni Wonwoo na kahit papaano hindi lang siya ang badtrip sa kanila. 

 

Hindi niya ito pinansin pagkadaan sa gilid nito. Walang lingon. Saka na kapag hindi na siya badtrip. 

 

Last subject ang reporting nila sa English. Pang-anim na magrereport ang grupo nila Wonwoo. 

 

Nang sila na ang magrereport, dalawa sila ni Mingyu ang nagdikit ng manila paper sa blackboard. Dahil parehas silang matangkad. 

 

Wala pa ring imik si Wonwoo buong report. Maayos ang report nila dahil ineexplain nila bawat detalye. May isang tanong lang ang adviser nila sa report at si Wonwoo ang sumagot nito. Nakuha niya naman ang hinahanap na sagot ng adviser nila. 

 

Tagumpay ang reporting nila dahil sila ang nakakuha ng pinakamataas na score. 

 

“Ang galing! Ngayon lang ako nag highest sa tanang buhay ko!” Tuwang-tuwa na kwento ni Hoshi. Nag-apiran sila ni Dokyeom. Si Wonwoo naman tumatango lang din. Medyo badtrip pa siya… 

 

“Congrats satin.” Bati ni… Mingyu? 

 

Wow naman nagsasalita pala ‘to?! 

 

Palihim na umirap si Wonwoo. Puwede naman siguro mainis sa crush, di ba? Naiinis pa rin kasi siya. 

 

Ba’t ba ayaw siya nito kausapin?!

 

“Nagbake si Mama. Bigyan ko raw kayo.” Dagdag nito. Napalingon naman ang tatlo sa kaniya. 

 

Ito yung hawak niyang paper bag kanina.

 

Isa-isa niyang nilabas yung… “Cookies?” Malakas na tanong ni Wonwoo. 

 

“May problema?” Tanong sa kaniya nito. 

 

Umayos naman ng tayo si Wonwoo. “Wala…” Sagot niya naman sa maliit na boses. 

 

Imposible. 

 

Lumipad ang utak niya sa mga nagdaang cookies na natatanggap niya. Isang beses lang niya natikman yung mga cookies na yun. Kung tutuusin, kumagat lang siya ng kaunti doon sa cookies. Ayaw niya kasi ng matamis kaya binibigay niya ito kay Hoshi or kay Seungkwan. Minsang inuwi niya pa nga ito sa bahay nila at binigyan ang nanay niya. Masarap nga raw sabi ng nanay niya. 

 

“Nako, nag-abala pa si tita. Tig-dalawa ba kami niyan?” Masayang tanong ni Dokyeom at nilahad na ang kamay nito. Ganoon din ang ginawa ni Hoshi. 

 

“May sobrang isa…” 

 

“Akin na lang!” Pag-aagawan ng dalawa. 

 

Sumulyap sa kaniya si Mingyu. “Ikaw?” 

 

Umiling si Wonwoo. “Isa na lang akin. Tig-tatlo na lang sila Hoshi.” 

 

Kumunot ang noo ni Mingyu, nagtatanong. 

 

Si Hoshi ang sumabat. “Hindi hilig ni Wonwoo ang matatamis. Yung mga cookies sa desk niya kung alam mo lang, binibigay niya sakin.” Pagkwento nito. 

 

Tumikhim si Wonwoo. “Ano.. pero… hihingi ako isa lang. Sayang naman. Binake yan ni tita e.” Pagrarason nito. 

 

Malalim ang mata ni Mingyu. Sa huli, binigay niya pa rin ang isang cookie kay Wonwoo. 

 

“Salamat.” Saad ni Wonwoo. Tumango lang si Mingyu at tumalikod. 

 

“Ano pala hilig mo na pagkain, Wons?” Kuryoso na tanong ni Dokyeom. 

 

“Kahit anong biskwit. Yung walang palaman sana.” Sagot nito saka nagpaalam para bumalik sa upuan. 

 

6! 

 

Masaya ang araw ni Wonwoo dahil mukhang crush pa siya ng secret admirer niya. 

 

May mga pagkain kasi ulit sa desk niya. Mga biskwit pa! Ito yung mga pagkaing gusto niya kaya naman masaya niya itong kinakain habang recess nila.

 

“Baka magpalit ka na ng crush niyan.” Puna ni Hoshi. 

 

Umirap si Wonwoo. “Porket wala ka nang bet sa mga pagkain dito.” 

 

Tumawa naman si Hoshi at kumuha ng isang piraso sa fita ni Wonwoo. 

 

“Gusto mo pa ba si Mingyu?” Biglang tanong nito. 

 

Umismid naman si Wonwoo sa narinig. “Ganoon pa rin nararamdaman ko.” 

 

“Paano pag nagpakilala sa’yo ‘yang secret admirer mo?”

 

Tumaas ang kilay ni Wonwoo. “Bakit kilala mo na?” 

 

Umiling si Hoshi. “Wala ngang clue eh.” 

 

Oo nga naman. Anong gagawin niya pag nagpakilala na? 

 

“Magugulat ako… Pero siguro irereject ko siya.” Sagot ni Wonwoo matapos ang ilang segundo. 

 

“Reject agad? Ayaw mo bigyan ng chance?”

 

Tumalim ang tingin ni Wonwoo sa kaibigan. “‘Yang mga tanong mo parang may laman. Tandaan mo lang na ako ang kaibigan mo.”

 

“Wala nga. Di ko kilala. Ito naman mapagduda. Nagtatanong lang e.” Natatawang sagot ni Hoshi sabay kuha ng panibagong fita. 

 

Napatingin naman doon si Wonwoo sa ginagawa ng kaibigan. “Hoy! Inuubos mo lang biskwit ko e!” 

 

Malakas na tumawa si Hoshi. Napalingon sa kanila ang iilang kaklase. Pati na rin ang nag-uusap na Mingyu at Dokyeom. 

 

“Ingay mo, teh!” Saway ni Wonwoo. 

 

Lumingon ulit siya sa likod. Napansin niyang nakatingin sa kaniya si Mingyu. Nakatitig ito sa kaniya habang nagdadaldal ang katabi niyang si Dokyeom. 

 

Umayos ng upo si Wonwoo at binawi ang tingin sa harap. 

 

Ba’t naman nakatingin ‘tong isa?! ‘Wag niya sabihing narinig niya usapan nila? Again, imposible. Walang pake ‘to sa kaniya.

 

After recess, PE nila ang kasunod na subject. Nag-cr sila para magpalit ng damit at pants. 

 

“Nasan ID mo?” Tanong sa kaniya ni Hoshi. 

 

Papunta na kasi silang court dahil ang instruction sa kanila ay after magpalit, dumiretso na ng court dahil sayang sa oras. 

 

“Hala, nasa room ata naiwan ko!” Mabilis na tumakbo pabalik sa room si Wonwoo. Need kasi ang ID for attendance. Kinukuha ito ng PE teacher nila bago magsimula at binabalik after ng klase. 

 

Mabilis niyang binuksan ang room at hindi niya inaasahan na makita si Mingyu. 

 

Kumunot ang noo niya sa nakita. 

 

“Ba’t ka nasa desk ko?” Tanong ni Wonwoo at akmang lalapit nang mapansin ang hawak ni Mingyu. 

 

Hawak-hawak ni Mingyu ang dalawang fita. Isang water bottle. May turon pa. 

 

Malaki pa ang mata ni Mingyu dahil sa gulat. Hindi niya agad naproseso ang pangyayari. 

 

“Kanino ‘yang hawak mo?” Tanong ulit ni Wonwoo. Gulong-gulo na siya sa nakikita. 

 

“Akin ba, Mingyu?” 

 

Lumapit na nang tuluyan si Wonwoo at kaharap niya na ngayon si Mingyu na bakas pa rin ang gulat sa mukha. 

 

Wala nang nagawa si Mingyu kundi ilagay sa desk ni Wonwoo ang mga pagkain. 

 

Pumikit nang mariin si Mingyu para mag-isip ng rason. Hindi sa ganitong paraan ang gusto niyang mangyari. Ipapaabot niya pa sana ng Valentine’s. Two weeks pa sana...

 

Pinunasan ni Mingyu ang invisible na pawis niya sa noo. 

 

Naniningkit pa ang masingkit na mata ni Wonwoo sa kaniya. 

 

“Kanino galing? Kilala mo kung sino nagbibigay?” Tanong ulit ni Wonwoo at tinuro ang mga pagkain. 

 

Lumapit pa siya nang kaunti sa binata. Kailangan niyang makakuha ng sagot. Ngayon din. 

 

Anim na buwan. Sapat na siguro ’yon para malaman kung sino ‘tong anak ng grocery store kung makapagbigay sa dami ng mga pagkain. 

 

“Mingyu, kilala mo? Please, kailangan ko lang ng pangalan.” 

 

“Sapat na yung anim na buwan. Ayoko na siya gumastos ng pera. Patitigilin ko na sana.” Tuloy-tuloy na sabi ni Wonwoo. 

 

Napansin niya ang pagbabago sa mukha ni Mingyu matapos marinig ang sinabi niya. Mas lalong nanlamig ito. 

 

Mabilis na naproseso ito ni Wonwoo. “Imposible…” Tanging nasabi nito sa binata. 

 

Lumayo siya at umiling-iling. 

 

“Hindi naman, di ba?” Tanong niya ulit. Ayaw niyang umasa. 

 

Malalim na huminga si Mingyu. Dito na siguro. ‘Wag na hintayin ang Valentine’s! 

 

“Ako nga.” Makahulugang saad ni Mingyu. 

 

Nanlambot si Wonwoo sa narinig. Humawak naman agad sa kaniya si Mingyu para alalayan siya. 

 

“Ako? Ikaw? Ikaw yung secret admirer ko?” Tanong ulit ni Wonwoo. 

 

Gusto niyang makasiguro. Baka delusyon lang ‘tong nangyayari. 

 

Tumango si Mingyu. May ngiti sa labing sumisilay. 

 

“Talaga? Totoo ba ‘to? Pisilin mo nga ako.” Baka panaginip lang ‘to ni Wonwoo. 

 

Pumikit ito para makalma. Yung kabog ng dibdib niya, ang lakas. 

 

Daig niya pa ang tumakbo ng 5 laps sa court during PE. Hala! May PE pa pala sila! Shocks!

 

Habang nakapikit, naramdaman niya ang pagpisil sa pisngi niya. Dumilat siya at nakita niya—jusko! Mahabagin! Ang gwapo! 

 

“May crush ka sakin?” Di makapaniwalang tanong ni Wonwoo. 

 

“Wonwoo, I–“ 

 

“Nandito lang pala kayo!” Napagigtad ang dalawa sa malakas na pagbukas ng pinto. 

 

Parehas silang lumayo sa isa’t isa. Si Wonwoo sa desk niya napaupo habang si Mingyu ay napaharap sa blackboard. 

 

May ilang segundong katahimikan ang namutawi sa tatlo. 

 

Si Hoshi na may pagtatanong sa mukha habang nakatingin sa dalawa. 

 

“Nandito raw ba sila?” Panibagong boses ang lumitaw, si Dokyeom, napatingin din siya sa nadatnan. 

 

“Okay? Anong meron?” Tanong nito dahil sa katahimikan. 

 

Tumikhim si Hoshi. Mukhang nagets na ang nangyari. “Hanap na kayo ni sir. 5 laps daw dahil 15 minutes kayong late.” Pagbabalita nito saka tinulak na palabas si Dokyeom. 

 

“Aray! Oo gets ko!” Rinig pang daing ni Dokyeom. 

 

Dali-dali namang sumunod si Wonwoo at palabas na sana nang hawakan ni Mingyu ang kamay nito. 

 

“Wonwoo,” Tawag nito.

 

Napalingon naman si Wonwoo. May hilaw na ngiti. Hanggang ngayon hindi pa rin kumakalma ang puso niya. Para siyang sasabog sa emosyon. 

 

Malalim siyang tiningnan ni Mingyu. Seryoso pero magaan na ang mukha niya. 

 

Jusko! 

 

“Tama ka. Ako yung nagbibigay ng pagkain sa’yo. Anim na buwan na.” Panimula ni Mingyu. 

 

Napalunok na lamang ng laway si Wonwoo. 

 

“I’m your secret admirer.” Mingyu smiled so big. “And I got a crush on you.” He added and winked at Wonwoo. 

 

Bago pa makapag-react si Wonwoo, hinila na siya palabas ng room nitong secret admirer—ay hindi na pala secret hihi 

 

Nagpatianod siya nang may ngiti sa labi.  

 

27 words. 

 

Hindi na below 20 words. Lumampas na rin. Sa wakas. 

 

 

Goal achieved!