Work Text:
"Kuya Kyungsoo!"
Nilingon ni Kyungsoo ang kung sinomang tumatawag sa kaniya mula sa likod. Nakapila kasi siya ngayon para kunin ang diploma sa registrar.
"Di ka man lang sumagot!" pag-aangal ng tumawag sa kaniya nang makalapit ito. “Nakasimangot ka pa ryan!”
“Wala ka bang klase?” tanong ni Kyungsoo.
“12 units na lang ako this sem, Kuya. Pa-graduate na rin ako ‘no!” sagot ng kausap niya.
“Nice, tapos boards na ‘no, Engr. Oh?”
“Grabe ka naman sa engineer, porket pumasa ka na sa boards!”
Natawa na lang si Kyungsoo sa sinabi ng nakababata. Kasama niya si Sehun sa isang org noong nag-aaral pa siya, kaya kahit hindi sila magkapareho ng taon ay naging malapit siya rito.
“Eh bakit ka nga muna nakasimangot?” tanong ni Sehun.
“Punyeta kasi ni Baekhyun, sinabi nang kailangan agahan dito dahil palaging mahaba ang pila sa registrar. Nag-leave naman siya sa trabaho pero wala pa rin hanggang ngayon.” inis na sagot ni Kyungsoo.
“Ahh, si Kuya Baekhyun. Wala namang bago doon, Kuya!” natatawang sagot ni Sehun. “Sige, samahan kita dito hanggang dumating siya.”
“E di hindi ka na nakapasok. Bukas pa yon darating si gago.”
“Grabe siya kay Kuya Baek!” sigaw ni Sehun. Napalingon tuloy ang ibang nakapila sa kanila. “Malapit ka na rin naman sa harap, parang wala nang sampung tao bago ikaw.”
“Ako dapat una dito kung di ako naniwala sa ‘parating na’ na message ni Baekhyun. Dapat kumakain na ’ko ng almusal ngayon. Kagigising pa lang ata niya nung tumawag ako, di pa sinagot yung tawag bwisit.”
Tumawa nang malakas si Sehun matapos ang rant ni Kyungsoo. “Grabe Kuya alam kong sinabi ko dati na nakakasawang makita kang nagra-rant dahil kay Kuya Baek, pero nakaka-miss din pala. Wala kang pinagbago, Kuya.”
“Anong magbabago, two years ago lang naman ako grumaduate. Naalala ko na naman yung mga panahon na ’yon! Grabe akala ko mae-extend pa ako ng isang taon kasi hindi ko maipapasa yung midterms. Shet naaalala ko pa yung amoy ng Cracklings!” inis pero tumatawang sabi ni Kyungsoo.
“Kung di lang nasira yung—”
Naputol ang sinasabi ni Sehun nang biglang may humawak sa balikat ni Kyungsoo at sumingit sa pagitan nila. Speak of the devil .
“Soo!” banggit nito habang hinihingal. “Sorry! Grabe traffic kasi. Ito o, Bacon and Egg Pancake Sandwich, alam kong hindi ka na naman nag-almusal. Kain ka muna.”
“Traffic? E isang jeep lang mula sa condo mo hanggang dito?” inis na tanong ni Kyungsoo at kinuha ang peace offering ni Baekhyun.”
“Eh, alam mo na ’yon! At tsaka nag-effort akong bumili niyan sa Jabi! Tumawid pa ’kong kabilang side ng street o.”
“Sinabi ko bang bumili ka ng almusal?” pasaring ni Kyungsoo habang inumpisahan na niyang kainin ang sandwich dahil gutom na talaga siya. Nang paubos na ang sandwich ay napansin niyang nanahimik ang dalawa niyang kasama.
“O bakit?” tanong ni Kyungsoo.
“Sobrang gutom mo siguro talaga ’no, Soo? Parang dalawang tao pa lang yung nakalabas at nakapasok ulit sa office pero ubos mo na yung sandwich.” sabi ni Baekhyun. “Hindi mo man lang ako pinakagat kahit isa.”
“Ay aba bumili ka na lang din naman sa Jabi, bakit di mo pa binilhan yung sarili mo?” mataray na sagot ni Kyungsoo.
“Ano, Kuya.” mahinang sabi ni Sehun habang nakatingin kay Baekhyun at nakaturo sa likod. “Kasi—”
Pagkalingon nilang tatlo ay nakatingin lang nang masama sa kanila yung mga taong kasunod sa pila ni Kyungsoo. Nginitian na lang sila ni Baekhyun at tsaka tinapik ang braso ni Kyungsoo. “Sige, Soo, doon na ako sa dulo ng pila. Hintayin mo ako mamaya ha!”
Sinubukan na lang tanawin ni Kyungsoo ang dulo ng pila, hindi na ito nakasagot kay Baekhyun dahil tumakbo na ang isa papalayo.
“Grabe Kuya nasa 3rd floor na ata yung dulo ng pila.” sabi ni Sehun. “Okay lang yan, doon ka muna sa room ng org, wala namang tao doon tapos okay na yung aircon, at higit sa lahat, hindi amoy Cracklings.”
Hindi nagtagal ay nakuha na rin ni Kyungsoo ang diploma niya. Sinamahan lang siya ni Sehun na makabili ng pagkain at tsaka dinala ito kay Baekhyun.
“Grabe Soo sabi ko na hindi mo ako matitiis e. Ang haba na pala ng pila.” sabi nito habang masayang kinuha kay Kyungsoo ang isang balot ng Japanese cake. “Wow namiss ko ‘to!”
“E pupunta ka ng alas-9, malamang hanggang 4th floor na yung pila. Alam mo naman ‘tong univ natin.” masungit pa ring sabi ni Kyungsoo.
“Wooow akin ‘to lahat?” tanong ni Baekhyun, tila hindi nakikinig sa sinabi ng isa. “3 pieces pa rin ba ‘to tapos 10 pesos, Sehun?”
“Grabe Kuya Baek, selective hearing ka talaga.” natatawang sagot ng pinakabata. “Oo Kuya, tapos bumili si Kuya Kyungsoo ng 30 pesos niyan at tubig. So 50 pesos lahat ng utang mo sa kaniya.”
“Utang?” tanong ni Baekhyun. “Hoy anong utang?”
Pinalo ni Kyungsoo si Sehun dahil pinagtitripan na naman nito ang kuya niya at tsaka humarap kay Baekhyun. “Gago hindi. Kumain ka na lang diyan. Punta lang akong org room namin, doon ako maghihintay para may aircon. Mag-text ka na lang kung nakuha mo na. O kaya punta ka na lang din ng org room.”
“Bakit ba ang aga mo sa school kung wala ka naman palang morning classes?” tanong ni Kyungsoo kay Sehun pagkarating nila ng org room.
Binuksan ni Sehun ang ilaw at aircon habang diretso naman si Kyungsoo sa normal na pwesto niya noong nag-aaral pa siya. Napansin niyang hindi pa rin pinipinturahan ang mga mesa kaya’t nandoon pa yung maliit na BK na sinulat ni Baekhyun gamit ang permanent marker.
“Wala lang, Kuya. Mas masaya tumambay sa org room natin na malamig. Tsaka nagkataon lang talagang nakita kita kanina, plus alam kong hihintayin mo si Kuya Baek so sinamahan kita.” Lumapit si Sehun sa nakatatanda at nakitang nakatingin ang isa sa markang iniwan ni Baekhyun bago sila grumaduate. “Naalala ko yung mga rants mo Kuya pag nakikita ko yang BK na yan.” natatawang sabi ni Sehun.
Nakangiting hinawakan ni Kyungsoo ang marka. “Siraulo talaga e, akala ko hindi pa pipirmahan yung clearance ko kasi may nakasulat sa usual place ko dito sa room. Isang beses lang nakapasok sa org room natin, nag-vandalize pa.”
“Sa lahat naman ata kailangan may gagawing kakaiba si Kuya Baek. Hindi ba nga, noong unang araw na nagkita kayo . . .”
“Saya niya e, nakitang pwede nang kumain sa common area ng library, mga maaamoy yung dinala.” natatawang sagot ni Kyungsoo.
2 years ago
Nagmamadaling pumunta sa common area ng library si Kyungsoo dala-dala ang mabigat niyang bag at laptop. Pasalamat na lang siya’t nasa pinakababang floor ang common area kaya’t di na niya kailangang umakyat ng hagdan kahit may elevator naman na never ipapagamit sa mga estudyante . Ang problema lang, mabilis mapuno ang common area dahil maliban sa mga tunay na nag-aaral, ginagawa rin itong tambayan ng mga naghihintay ng susunod nilang klase.
Nang makapasok ay laking pasasalamat na lang ni Kyungsoo’t hindi pa ganoon karami ang tao. Alas-10 pa lang naman. Dumiretso siya sa pinakadulong mesa at inayos ang mga gamit para makapag-aral. Midterms week na, at kailangan niyang pumasa rito para hindi na siya masyadong kabahan sa finals. Mag-e-effort siya nang mabuti sa midterms para kahit chill na lang sa finals ay makapasa siya. Hindi naman siya naghahangad ng medalya, diploma lang ang kailangan niya.
Di kalaunan ay dumami na nga ang mga estudyante. 11:40 na rin kasi, malapit nang mag-lunch at ang ibang hindi na nakapwesto sa canteen at kiosks ay dito na dumiretso. Bakit ba kasi pumayag na pwedeng kumain dito. Nagbigay nga ng restrictions pero ang dami pa ring pwedeng ipasok. Nadi-distract si Kyungsoo sa iba-ibang amoy, tila may kumakain pa ng sinigang malapit sa kaniya kahit bawal magpasok ng ulam. Paborito pa naman niyang ulam ito kaya hindi niya mapigilan ang reaksyon ng tiyan niya.
May baon din naman si Kyungsoo, isang large na bola-bola siopao na binili niya 7-eleven at anim na pirasong Japanese cake na binili niya sa canteen. Hindi siya nakakakain ng kanin kapag may exam dahil tila ayaw itong tanggapin ng tiyan niya kapag kinakabahan siya. Nilabas niya ang mga Japanese cake at isa-isang kinain habang nag-aaral. Nagpasak na rin siya ng earphones at nagpatugtog para hindi na niya marinig ang mga tao sa paligid.
Umepekto naman sandali ang pag-a-isolate ni Kyungsoo sa sarili. Dahil nasa dulo siya ng library’t nakaharap sa dulong bookshelf ay hindi niya masyadong nakikita ang mga tao. Tamang lakas din naman ng patugtog niya kaya’t hindi niya rin naman naririnig ang mga malalapit. Yun lang, wala siyang pantakip sa ilong. Kahit pa mag-mask ay sigurado siyang maaamoy at maaamoy niya ang asim ng suka at Cracklings.
“Bakit sa lahat naman ng pagkain . . .”
Sandali niyang inangat ang ulo upang mahanap kung sinomang magaling ang nagdala ng Cracklings sa loob ng library. Hindi naman niya kailangang maghanap nang matagal dahil nasa tabi niya lang ang salarin, isang upuan lang ang pagitan nilang dalawa. Naka-headphones ang isa’t tila ba sinusundan ang beat ng kung anomang pinapakinggan niya. Nakita pa ni Kyungsoo na dinagdagan pa nito ng suka ang Cracklings at saka kumain ng isang piraso.
“Ano kayang amoy ng kamay nito . . .”
Tiniis na lang ni Kyungsoo ang amoy dahil hindi naman bawal ang ginagawa ng isang estudyante na ‘yon. Nang mag-ring ang 1 p.m. na bell ay nagmamadaling tumayo ang lalaki at natabig pa niya ang plastik ng suka. Buti na lang at ubos na ito pero may mga natira pa ring konti na natapon sa mesa. Dahil sa pagmamadali nito ay napalingong muli si Kyungsoo sa kaniya. Nakita niyang kinuha nito ang panyo galing sa bulsa’t pinunasan ang natapong suka. May sinasabi ito pero hindi rin narinig ni Kyungsoo dahil sa earphones. Mabilis na tumakbo ang isa at sinundan siya ng tingin ni Kyungsoo sabay pagtanggal niya ng earphones niya. Nakita nitong sinuway pa siya ng isang librarian dahil kahit pwedeng kumain ay hindi pa rin pwedeng mag-ingay sa loob ng library.
Pagbaling ulit ng tingin ni Kyungsoo sa mesa ay napansin niya ang tatlong papel na mukhang nalaglag pa ng nagmamadaling lalaki kanina. Wala na siya halos katabi sa mesa kaya’t wala na rin siyang choice kundi kunin ang mga papel. Nakita niyang mga sheet music ang nalaglag, may titulong “Moonlight,” at nakalagay lamang ang letrang B sa pangalan ng composer.
“Dumagdag pa nga sa iisipin ko. Kapag ako talaga hindi nakapasa dahil wala akong matandaan kundi yung amoy ng suka’t Cracklings niya humanda siya sa akin.”
“Grabe yung rant mo non e, after ng exam dumiretso ka dito di ba tapos sabi mo nasa ilong mo pa rin yung amoy ng kinain ni Kuya Baek.” natatawang sabi ni Sehun.
“Hay nako Sehun ganyan ka kasi paborito mo rin yung Cracklings na blue. Pero kung ikaw ako maiinis ka rin. Grabe yung pinagdaanan ng ilong ko nung araw na yon. Sinigang bago mag-lunch, tapos suka’t Cracklings bago mag-exam. Tapos pagpunta ko pa dito para tayong pandesal sa pugon.” napabuntong-hininga na lang si Kyungsoo.
Tumawa nang malakas si Sehun. “Totoo yan, Kuya, tapos ang tagal pa bago nagawa yung aircon ‘no? Grabe sa labas na nga tayo nagmi-meeting minsan.”
Naiinis pa rin si Kyungsoo kapag naaalala niya. “Oo ang lala talaga, kaya araw-araw din nasa library ako para mag-aral. Hindi pwede sa dorm kasi malakas magbasa yung roommate ko, tapos hindi pwede dito kasi iinit lang ulo ko.”
“Tapos non di ba Kuya parang after pa ng midterms week kayo nagkita ulit kasi hindi na nadaan sa library si Kuya Baek?”
“Oo kahit sabi niya pumupunta rin siya doon pero hindi nagtutugma yung oras namin.”
2 years ago, pagkatapos ng midterms
Nasa mesa lang naman ng kwarto ni Kyungsoo yung mga papel, sadyang wala lang siyang oras maghanap kay B habang midterms. Tulad nga ng sabi niya, kailangang mataas ang score niya doon para chill na lang siya bago ang graduation. Masaya naman siya sa naging performance niya sa midterms kaya’t nakahinga na siya nang maluwag.
Pagdating sa org room ay nakita niya sina Sehun at Jongin na may kinakalikot sa laptop. Tumingin ang dalawa sa kaniya at binati siya ng magandang tanghali at tsaka bumalik sa kung anomang pinagkakaabalahan nila.
Lumapit si Kyungsoo sa dalawa at nagtanong, “Ano yang ginagawa niyo?”
“Pinapakita ko kay Sehun yung routine na ginawa ko para sa audition ng ballet performance ko next week, Kuya.” sagot ni Jongin. “Since maalam din si Sehun sa pagsasayaw, gusto kong makuha yung opinyon niya.”
“Ooohh, kumusta midterms?”
“Okay naman yung akin, Kuya. Same mindset tayo e, na-compute ko na nga kung ano dapat score ko sa finals para makapasa. Gusto ko kasing mag-focus sa ballet performance na ‘to.” sagot ni Jongin.
“Yung akin, bahala na si Lord, Kuya.” pagbibirong sagot ni Sehun.
Nagtawanan lang silang tatlo. Kumuha ng upuan si Kyungsoo para tumabi sa dalawa. Maaga naman sila para sa meeting kaya’t pwede pa nilang gawin ito. Sira pa rin ang aircon ng org room pero sa kanila lang naman nakatutok yung electric fan kaya okay lang.
Matapos mapanood ang routine ni Jongin ay napapalakpak lang si Kyungsoo. “Wow, Jongin. Ang ganda ng routine mo! Ang ganda rin ng tugtog!”
“Di ba, Kuya? Hiniram ko sa kaibigan ng Kuya ko yung kanta kasi nadinig ko na pinapatugtog niya sa school portal.” sagot ni Jongin.
“Oooh buti na lang kaibigan ng Kuya mo!”
“Oo, Kuya. Dito rin nag-aaral yon, kaklase ni Kuya actually. Pero di ko pa nakikita ng personal. Basta siya si B the Light sa school portal.”
“Be the Light?”
“Oo, Kuya, as in B the Light. Ito o,” sabay hinanap ni Jongin ang school portal na sinasabi niya.
“Wow, sikat naman pala.” sabi ni Sehun. “May friend palang sikat si Kuya Jongdae.”
Napaisip naman si Kyungsoo dahil sa letrang B. Hindi kaya si B the Light yung kumakain ng Cracklings noong nagre-review siya?
“Hindi ba sabi mo kaklase ng Kuya Jongdae mo yang si B the Light? May klase ba sila ngayon?” tanong ni Kyungsoo kay Jongin.
“Wala, Kuya, pero tulad natin may org meeting din sila. Nandoon sila sa building katabi ng library, sa ground floor lang malapit sa auditorium. Bakit mo po natanong?”
Tumingin naman si Kyungsoo kay Sehun, “Naaalala mo yung nira-rant ko na kumain ng Cracklings sa library tapos nakatapon ng suka sa mesa?”
Nanlaki naman ang mata ni Sehun nang mapagtanto niya kung ano ang sinasabi ng nakatatanda, “Tapos nakalaglag ba ng sheet music? Tama ba?”
“Oo, si B as in Balahura!” sigaw ni Kyungsoo.
“Grabe Kuya, judger!” sabi naman ni Jongin.
“Baka nga siya na yan, Kuya. Puntahan na lang natin mamaya after ng meeting.” alok ni Sehun.
Mag-isang naglalakad ngayon si Kyungsoo papunta kay B. Hindi na niya pinasama si Sehun dahil hindi pa niya naibibigay ang feedback niya sa routine na ipinakita ni Jongin. Ayos lang naman, hindi naman siya maliligaw sa univ.
Nakita niyang marami nang naglalabasan noong matanaw niya ang building. Inisip niya kung paano na kung isa si B sa kanila, wala siyang ibang lead maliban sa miyembro ito ng music org at kaibigan ng kapatid ni Jongin. Nagpatuloy pa rin siya sa pagpunta dahil kung hindi niya maibalik ang mga papel ngayon ay baka sa susunod na linggo pa siya makaka-try na maghanap ulit dahil busy pa rin naman siya kahit huling sem na.
Pagpasok ay hinanap niya agad ang room ng music org. Nang makita ito ay sandali siyang huminto sa may pinto. Una niyang napansin ang ingay sa loob, tila ba sampung tao ang sabay-sabay na kumakanta, pero iba-iba sila ng kinakanta. Huminga siya nang malalim bago kumatok. Bahala nang hindi siya marinig, bawal naman mag-lock ng mga kwarto sa school kaya’t bubuksan na lang niya ang pinto kung hindi siya mapansin ng mga nasa loob.
Matapos ang tatlong set ng mga katok ay binuksan na nga lang ni Kyungsoo ang pinto. Imposible talagang mapansin siya ng mga nasa loob dahil sa sobrang ingay nila. Pagbukas niya ng pinto ay biglang nanahimik ang paligid. Tinignan niya isa-isa ang mga tao sa loob, na tatlo lang naman pero bakit tunog sampu , at tama nga, narito si B. Ilang segundo rin tumagal ang katahimikan bago siya lapitan ni B at hatakin papasok ng kwarto.
“Shet!” sigaw nito, “Ito o, sabi sa inyo may mag-o-audition pa e!” masayang sabi ni B.
Nagpanic naman si Kyungsoo at nagmamadaling buksan ang bag niya, “Ay, hindi ako mag-o-audition! May ibabalik lang—”
“Eyy, huwag ka nang mahiya, hindi naman live performance! Magre-record lang tayo ng kanta kapag pumasa ka tapos ire-release natin sa school portal!” malakas pa rin na sabi ni B habang mahigpit na nakahawak sa braso ni Kyungsoo.
“Ay hindi nga, may ibabalik lang ako sa’yo.” mahinang sabi ni Kyungsoo.
Binitiwan ni B ang braso ni Kyungsoo kaya nakuha rin nito ang mga papel. Iniabot din agad ito ni Kyungsoo kay B sabay sabing, “Ito o, nalaglag mo sa library nung unang araw ng midterms.”
Kinuha ni B ang mga papel at lumapit sa kaniya ang dalawa pa niyang kasama.
“Hala ayan na Baek!” malakas ring sabi ng isa niyang kasama, “Hindi mo na kailangang ulitin yung kanta! Mga kakanta na lang talaga yung kailangan!”
“Oo nga!” sabi naman ng isa pa na siya ring pinakamatangkad sa kanilang lahat na nasa kwarto. “Kapag dinala natin yan bukas ng umaga kay Sir Junmyeon maniniwala na siyang na-misplace mo lang! Ayan o, nandyan pa yung comments niya.”
Tahimik lang si B habang hawak ang mga papel. Ilang segundo pa ay parang may napagtanto ito. “Ikaw ba yung katabi ko sa library noon?” tanong niya kay Kyungsoo.
“Ahh, oo, ako nga. Bakit?” pabalik na tanong ni Kyungsoo kay B, o Baek.
“Hala! Siya ba yung sinasabi mong maganda yung boses na katabi mo sa library last week? Yung dahilan kaya hindi mo na-memorize yung kanta natin kasi hindi mo naman talaga pinakinggan dahil nakikinig ka lang sa boses ng katabi mo? Siya ba, Baek?” tanong ulit ng mas maliit sa mga kasama niya.
“Oo, Dae, siya nga.” pagsang-ayon ni Baek. Humarap ito kay Kyungsoo at tsaka sinabing, “Sir, um, Kuya, ano kasi, hindi mo na pala kailangang mag-audition.”
“Huh?” tanong ng nakababata.
“Ikaw na kasi talaga! Maraming nag-audition kanina pero wala kaming napili kasi boses mo lang yung iniisip ko! Ikaw na talaga!” masaya ulit na sabi ni Baekhyun.
“Eh! Hindi nga ako pumunta rito para dyan. Isa pa, hindi ko pa rin makalimutan yung Cracklings mo! Totoo ba, sa lahat ng pwedeng dalhin sa library, yung sobrang maamoy pa?” naiinis na sabi ni Kyungsoo.
Tumawa ang mga kasama ni Baek at sinabi ng mas matangkad sa kanila, “Yan kasi, Baek! Signature mo na talaga yang Cracklings e, dapat kunin ka na nilang endorser.” Humarap ito kay Kyungsoo at tinanong, “May suka pa e ‘no? Dito rin sa org room panay ganyan yang si Baek kaya amoy suka yung kwarto namin.”
Tumahimik si Kyungsoo sandali at inamoy ang kwarto. Tunay ngang amoy suka rin. “Grabe buti hindi sumasakit yung ulo niyo ‘no? Kasi ako sumakit yung ulo ko habang nag-aaral noon! Tapos nung paalis pa siya natapon pa yung tirang suka doon sa mesa. Kahit pa pinunasan niya yon matitira pa rin yung amoy.” paninita ni Kyungsoo.
Tumawa nang awkward si Baekhyun tsaka sinabing, “Pasensya na. Stressed lang din ako nun, tapos narinig ko pa boses mo. Hindi ko rin nagawa yung gagawin ko e. Kaya sige na, please, hindi mo naman talaga kailangang magpakita ng mukha. Please, Sir, Kuya.” pagmamakaawa nito sabay lumuhod sa harap ni Kyungsoo.
Tinignan ni Kyungsoo si Baek at tsaka tinignan ang dalawa pang kasama nito na tila ba nagmamakaawa rin kasama ng kaibigan nila. Wala na lang ibang nagawa si Kyungsoo kundi huminga nang malalim.
“May bayad ‘to ha!”
Tumawa ang dalawa matapos makwento ni Kyungsoo yung nangyari sa room ng music org.
“Sa totoo lang, Kuya, nagulat talaga ako na pumayag ka e. I mean, hindi mo sinabi sa amin sa org natin. Buti na lang at fan ni Kuya Baek si Jongin, nalaman pa rin namin.” sabi ni Sehun.
“Yung hitsura kasi ni Baekhyun nun, kulang na lang hawakan yung paa ko para hindi ako makaalis sa room. Tapos pinalibutan pa ako nina Jongdae at Chanyeol.” sagot ni Kyungsoo. “Sabi ko na lang basta ba hindi nila ire-reveal na ako yung kumakanta, hindi kakayanin ng self-confidence ko. Sa harap lang naman ng mga kakilala ko ako kumakanta. Hobby lang. Hindi ko naman inakalang madi-discover ako ng music org members dahil lang sa mahinang pag-hum ko sa library.”
“Mahina ba talaga?” pang-aasar ni Sehun, “E di ba sabi mo may pagitan na upuan kayo nun ni Kuya Baek?”
“Meron nga. Matalas lang talaga pandinig ni loko. Sabi sa’yo medyo malakas pa yung tugtog niya nung binuksan niya yung cracklings niya e. Hindi man lang ginupit para hindi tumunog yung balutan.” natatawang sabi ni Kyungsoo.
“Pero ayon na nga, nakakabigla pa rin talagang pumayag ka. Tapos hanggang ngayon tinutulungan mo pa rin si Kuya Baek kapag kailangan niya ng tagakanta ng mga demo niya.”
“Extra cash din yun, ‘no! Hindi ko naman ginagawa ng libre.” sagot ni Kyungsoo at hinabol na, “Pa-graduate na rin naman ako, so inisip ko, buong limang taon naka-focus lang ako sa course ko, hindi naman siguro masama kung may gagawin akong kakaiba, ‘di ba?”
2 years ago, pagkatapos i-post ni Baekhyun sa school portal yung kanta featuring Kyungsoo
Maraming mga pangyayaring ikinagugulat na lang din ni Kyungsoo. Isa na rito ang patuloy na pakikipag-usap niya kay Baekhyun kahit tapos na nilang gawin yung project ng isa. Ngayon nga’y papunta siya sa kiosk na malapit sa college niya dahil magkikita sila.
Habang naglalakad ay vibrate pa rin nang vibrate ang cell phone niya. Naasar na si Kyungsoo kaya binilisan na lang niya ang lakad. Nang matanaw si Baekhyun ay agad niyang kinuha ang cell phone nito.
“Oi! Kyungsoo!” masayang bati ni Baekhyun.
“Huwag mo na uulitin ‘tong magf-flood ka ng message ha! Sinabi ko na ngang pupunta na ako, hindi ka pa rin tumigil!” naiinis na sabi ni Kyungsoo.
Napakamot na lang sa ulo si Baekhyun bago sabihing, “Baka hindi mo ako siputin e! Naniniguro lang! Upo ka na, ako na bibili ng snack natin! Anong gusto mo?”
“Japanese cake lang, 30 pesos. Ito o,” iaabot sana ni Kyungsoo ang bayad kay Baekhyun pero hindi ito tinanggap ng isa. “O ba’t ayaw mong kunin?”
“Huwag na! Pinilit lang naman kitang pumunta dito e, pauwi ka na dapat ‘di ba? Yun lang? Soft drinks?”
“Sige, isa ring soft drinks.”
Naglaro lang ng cell phone niya si Kyungsoo habang hinihintay si Baekhyun. Makalipas ang sampung minuto ay nakabalik din ang isa. “Talaga? Cracklings? Yan lang ba ang kinakain mo sa lahat ng meals?”
Tumawa si Baekhyun at iniabot ang isang balot ng Japanese cake at soft drinks kay Kyungsoo. “Naglilihi ata ako, Soo. Ilang taon ko nang paborito itong Cracklings.” sabi nito at naupo. “Ito pa pala o, Soo! Bola-bola siopao.”
“Ay hala bakit mo pa ko binilhan?”
“Galante kasi ako ngayon!” sagot ni Baekhyun habang pinaliliguan ang Cracklings niya ng suka. “Sabi kasi ni Sir Junmyeon ang ganda raw ng ‘Moonlight’! Totoo naman, I mean magwawala ako at susugurin ang faculty kapag sinabi nilang hindi maganda!”
“Ay wow, congrats! Pasado ka na sa midterms mo!” natutuwang sagot ni Kyungsoo.
“Actually, Soo,” paumpisa ni Baekhyun habang kumukuha ng alcohol at tissue at pinunasan ang kamay niya. Kinuha niya rin ang kinakain ng nakababata’t hinawakan nang mahigpit ang mga kamay nito.
“Ayaw ko!” sagot agad ni Kyungsoo.
Humigpit lang ang hawak ni Baekhyun sa mga kamay ni Kyungsoo sabay sabing, “Final requirement naman na. Sige na, please, Kyungsoo. Sagot ko na lunch mo araw-araw. Ako na ang magbibigay ng allowance sa iyo!”
“Loko ka ba! Hindi naman ako singer, tapos graduation mo ang nakasalalay dito! Baka mamaya hindi ka pa grumaduate dahil sa akin! Bakit hindi si Jongdae o si Chanyeol na lang ayain mo!”
“E ayaw ko sa kanila. Ikaw yung gusto ko kumanta ng composition ko, Kyungsoo. Please, please, please.” biglang binitawan ni Baekhyun ang mga kamay ni Kyungsoo at pumunta sa harap nito. Aktong luluhod na sana siya nang pigilan ni Kyungsoo.
“Hoy! Ano ka ba! Marumi yung sahig! Sige na, sige na, pero walang sisihan kapag bagsak ka sa finals ha!”
“WOW!” sigaw ng isa, “Hindi ako babagsak, Kyungsoo! May tiwala ako sa boses mo! At isa pa . . .”
Hinintay ni Kyungsoo ang susunod na sasabihin ni Baekhyun pero nagtagal ay hindi pa rin ito nagsalita kaya’t tinanong na niya, “Ano yung isa pa?”
“Ano . . . Hmm . . .” yumuko lang si Baekhyun na tila ba nahihiya na hindi normal sa kaibigan niya . “Ginawa ko talaga yung kanta na ikaw yung iniisip.”
“Ha?”
“I mean, boses mo! Oo, boses mo yung iniisip ko! Kaya sa’yo lang talaga babagay yung kanta.”
Habang nag-uusap ang dalawa ay biglang bumukas ang pinto ng org room. Nakita nila na si Jongin ang bagong dating. Babatiin sana siya ng dalawa nang bigla itong nagsalita, “Hay nako, Kuya Kyungsoo, ako nga yung pinakanta ni Kuya Jongdae ng kanta niya. Kailangan daw kasi di ba hindi music major yung talent.” sabi nito at umupo sa harap nina Sehun at Kyungsoo, Kawawa nga si Kuya, mahiyain kasi e, wala tuloy siya masyadong kakilala. Pero pumasa naman siya.”
Nang makitang nakatingin lang ang dalawa sa kaniya ay hinabol ni Jongin, “Kanina pa ako nags-spy sa labas!”
Natawa lang ang dalawa at sinabi ni Sehun “Ano ka ba, ikaw din naman first choice ng Kuya mo! Tsaka ayaw mo yun, nagamit pa sa ballet recital yung kanta niya na ikaw ang kumakanta.”
“Tama ka dyan! Tsaka hanggang ngayon binibigyan pa rin ako ni Kuya ng mga kanta na pwedeng gamitin sa pagsasayaw. Naalala mo yung ginamit ko last college week, yung ‘Ride or Die’? Kuya ko gumawa non!” proud na sabi ni Jongin. “Naging mas close nga kami ni Kuya after niya akong turuan kumanta.”
“Close naman kayo talaga, sobrang supportive nga niya uma-attend siya sa lahat ng recital mo kahit hindi ka uma-attend sa lahat ng performances niya.” pang-aasar ni Sehun.
“Hoy ano ba! Sobrang busy kaya natin last year. Maiyak-iyak ka na nga sa dami ng plates na kailangang ipasa. Si Kuya na rin nagsasabi sa akin na huwag na pumunta lalo na kapag 3 days na akong walang tulog.” sagot ni Jongin kay Sehun na tumatawa lang.
“Nang-aasar lang yang si Sehun, magpanggap na lang tayong hindi yan sumugod sa opisina ko nung feel niya babagsak na siya’t di siya makaka-graduate.” sabi ni Kyungsoo.
Nagtawanan na lang silang tatlo habang patuloy na nag-aasaran. Nang kumalma ay tinanong ni Jongin, “Pero, Kuya! Sobrang hit nga ng kantang pinakanta sa’yo ni Kuya Baek di ba? Yun din yung unang kanta niya na na-release officially. Tama di ba, yung ‘Rose’? Debut single yun ni D.O. e, paborito kong soloist!” nae-excite na sabi ni Jongin. “Ibig sabihin ba noon, ikaw yung demo version nung kanta? Buti pala hindi nila pinabura sa school portal ‘no?”
“Hindi naman daw kailangan kasi mga estudyante lang nakaka-access nung school portal. Pinayuhan lang siya ni Sir Junmyeon na pwede niyang ipasa sa mga major music companies, tapos ayon, natanggap agad doon sa company ni D.O.” sabi ni Kyungsoo.
“Kumakanta ka pa rin sa mga demo ni Kuya Baekhyun?” tanong ni Sehun.
“Oo naman. Sabi ko nga di ba, extra income din. Hindi naman ako kumakanta for free.” natatawang sagot ni Kyungsoo.
“Sabihin mo kay Kuya, kapag kailangan niya ng magra-rap, nandito lang ako.” pabirong suhestiyon ni Sehun.
“Ano yung latest na ginawan niyo ng demo, Kuya? Pwede parinig?” tanong ni Jongin.
Kinuha ni Kyungsoo ang cell phone at pinagtugtog ang kanta. “Ito o, actually feel ko alam mo na ‘to Jongin, dalawa sila ni Jongdae na gumawa niyan.”
“Ah! Oo, ang ganda ng intro talaga nitong ‘What Is Love.’” sabi ni Jongin. “Pero parang months ago na ‘to nakumpleto di ba? Sabi ni Kuya Jongdae may bumili na rin ng kanta.”
“Oo, nagka-slump kasi si Baek. Pero sandali lang naman. Nakabangon daw ulit siya.” natatawang pag-alala ni Kyungsoo. “Kaya lang may mga kanta talagang matagal magawa. Hindi naman lahat maipipilit niya dahil eager siya.”
Tumango lang ang dalawa. Matapos ang kanta ay pumalakpak sila at sinabing maganda ang blending ng boses ng mga kuya nila. Nang mukhang wala nang mapag-usapan ay nagtanong si Jongin, “Bakit ka pala napabisita, Kuya?”
“Kinuha ko yung diploma ko.” sagot ni Kyungsoo at ipinakita ang clear envelope na naglalaman ng diploma niya.
Kinuha naman ito ni Jongin at sinabing, “Wow, ako rin, kami rin ni Se, malapit na rin naming makuha yung amin!”
Tumawa ang nakatatanda, “Hmm, hindi ka sure dyan, record-breaking na ‘to ng univ, 2 years after graduation.”
“Ahh, basta, yung transcript, kung anomang patunay na graduate na ko.” sagot ni Jongin. “Ang sweet mo naman, Kuya, binisita mo kami dito kahit nakuha mo na yung diploma ko. Hula ko, nasa unahan ka pa ng pila kasi palagi ka namang maaga.”
“Anong sweet,” sabi ni Sehun, “Hinihintay niya si Kuya Baek, dito tumambay kasi may aircon.”
“Hala ka! Ikaw kaya nag-ayang dito ako maghintay! Itong batang ‘to.”
“Late na naman ba si Kuya Baek? Paano yan magla-lunch na. Baka abutan siya ng cutoff.” tanong ni Jongin.
Napabuntong-hininga na lang si Kyungsoo at sumagot, “Ano pa bang magagawa. Bibilhan ko ng lunch tapos sasamahan ko sa pila para may kasabay kumain. Alam niyo naman ‘yon. Siraulo kasi, pati nung graduation namin late yun e.”
2 years ago, graduation
Nag-usap sila ni Baekhyun na magkikita sila bago mag-umpisa ang ceremony kaya naghihintay ngayon si Kyungsoo sa labas ng convention center habang ang mga magulang niya ay nasa loob na. Kanina pa rin niya tinitignan ang cell phone at baka may message na ang isa. Kung kagaya lang ako noon mga nasa 100 messages na yung natanggap niya .
Makalipas ang limang minuto ay minessage na ni Kyungsoo ang isa.
To: B
Sent 9:50
Ano na, Baek? 10 a.m. yung graduation. 9:50 na. Paubos na rin yung tao dito sa labas.
To: B
Sent 9:53
Baekhyun, kapag 9:55 wala ka pa dito papasok na ako.
To: B
Sent 9:55
Bahala ka na nga, mamaya na lang tayo magkita ha. Mag-message ka mamaya pagkatapos ng ceremony. Gago ka kapag hindi kita nakitang umakyat kapag tinawag yung pangalan mo . . .
At hindi nga sila nagkita bago ang graduation. Naunang tawagin ang mga engineering graduates kaya nauna ring mag-martsa si Kyungsoo. Mauuna rin ang sangkaterbang accounting students bago ang music kaya matagal-tagal na nag-isip si Kyungsoo kung nakaabot ba si Baekhyun bago mag-umpisa. Hindi naman siguro pipigilang pumasok yon kung late man siya nakarating.
Patapos na ang linguistics kaya’t alam ni Kyungsoo na kasunod na ang music. Nakahinga na lang siya nang malalim nang banggitin ang pangalan ni Baekhyun. Una pa nga ang isa sa listahan.
Agad na tinignan ni Kyungsoo ang cell phone niya nang matapos ang closing remarks ng univ president. Nakita niyang nakatanggap nga siya ng message tatlumpung minuto na ang nakalipas.
From: B
Received 11:46
Kita mo yun, Kyungsoo! Umabot kami! Nasiraan kasi yung sasakyan namin pero malapit naman na dito, nahirapan lang kami pumara ng taxi, tapos naiwan pa yung tatay ko doon at hinintay yung gagawa nung sasakyan. ANYWAY! Kita tayo mamaya doon na lang malapit sa may malaking painting bago pumasok dito sa kanang part ng convention center? Pasensya ka na talaga hindi na ako nakareply kanina, nagpa-panic na kasi buong pamilya ko HAHA
Pinuntahan muna ni Kyungsoo ang mga magulang at sabay-sabay na silang pumunta sa sinabing meeting place ni Baekhyun. Pagdating ay nakita nga niyang naroon si Baekhyun. Iniwan niya muna ang mga magulang niya di kalayuan sa kinalalagyan ni Baekhyun tsaka ito lumapit sa isa.
“Congrats! Kahit sa graduation, late.” pagbibiro ni Kyungsoo.
“Galing nga ng pagkakataon e! Minsan na lang ako gigising ng sobrang maaga, late pa rin.” sagot ni Baekhyun habang tumatawa. “Congrats din pala, Kyungsoo! Nakita naman kitang umakyat sa stage, huwag kang mag-alala.”
Tinapik nang medyo malakas ni Kyungsoo si Baekhyun sa balikat nito at tinanong, “Bakit naman ako mag-aalala?”
Tumawa si Baekhyun at tinanong siya pabalik, “Iyon Mama at Papa mo?” habang nakaturo sa mga magulang ni Kyungsoo.
“Oo, bakit?”
“Tara, babatiin ko sila.”
Hinatak ni Baekhyun si Kyungsoo papunta sa mga magulang ng nakababata. Pagdating ay agad na nagsalita si Baekhyun, “Magandang tanghali po, Mr. and Mrs. Do! Kaibigan po ako ni Kyungsoo, Music major po. Tinulungan po ako ni Kyungsoo makapasa!”
“Ano ba yan, Baekhyun!” bulong ni Kyungsoo.
“Magandang araw, iho!” sagot ng nanay ni Kyungsoo. “Congratulations din sa’yo.”
“Salamat po! May ipagpapaalam lang po pala ako.” sagot ni Baekhyun, “Ano po kasi, gusto ko po ligawan yung anak niyo, pwede po ba?”
“ANO?” napasigaw si Kyungsoo habang tumatawa naman nang malakas ang mga magulang niya.
Matapos tumawa ay ang tatay ni Kyungsoo ang sumagot sa tanong ni Baekhyun, “Kung okay lang sa anak namin, hindi naman kami tatanggi. Pero matapang ka ha! Unang beses nating nagkita pero iyan agad ang sinabi mo.”
Napakamot si Baekhyun tsaka sumagot, “Sayang naman po e. Nandito na rin naman po tayo. Alam ko pong pahihirapan ako ni Kyungsoo, pero at least solve na po tayo ha!”
“Tama naman si Kuya Baek e, di ba? Pinahirapan mo siya?” tanong ni Sehun. “Isa ito doon sa bagay na hindi naipilit ni Kuya Baek kahit eager siya, tama ba?”
“Malamang. Binigla niya ako e, wala man lang pep talk. Talagang ganoon agad. Pag-uwi namin hindi ako tinigilan ng mga magulang ko kaaasar at katatanong.” sabi ni Kyungsoo. “Tapos nung nalaman ni Kuya umuwi ng bahay tapos pinatawag si Baekhyun doon. Mas strict pa kaysa kina Mama. Tsaka ilang buwan pa lang kaming magkakilala noon, so . . .”
Tumango naman ang dalawa bago sinabi ni Sehun, “Pero at least ang sigurado noon ay ina-admire ka na talaga ni Kuya Baek nung time na ‘yon. Gawan ka ba naman ng kanta ‘di ba?”
Naantala ang pag-uusap nila nang mag-ring ang lunch bell.
“Hala mukhang naabutan nga ng lunch si Kuya Baek. Wala pa namang naiiwan sa office ng registrar pag lunch.” sabi ni Jongin. “Tara na ba, Kuya? Samahan ka na namin sa canteen, bibili rin kami ni Sehun ng lunch.”
Inayos nila ang mga gamit nila at sinara ang mga dapat isara sa room. Nang papalabas ay naiinis ulit na nagsalita si Kyungsoo, “Sinabi na kasing alas-8. Dapat pala doon na lang muna ako sa condo niya natulog kagabi. Sana hindi na kami masyadong magtatagal dito ngayon.”
Nang malapit na sila sa pinto ay may biglang nagbukas nito. Buti at hindi sila sa mismong pinto dahil masakit din yon kapag nakatama.
“Soo baby! Tapos na. Pinilit ko yung registrar na ibigay yung akin aba ako na e tapos cutoff hindi pwede yon.” sigaw ni Baekhyun. “Hi Sehun! Hi Jongin! Kumusta si Jongdae kailan niya kukunin yung diploma niya?”
“Hi, Kuya Baek. Tara, labas na muna tayo, medyo umiinit na kasi nakakulob tayo dito.” pag-aaya ni Jongin. Lumapit naman si Kyungsoo kay Baekhyun at hinawakan ang kanang kamay nito. Nagpatuloy naman sa pagsasalita si Jongin. “Ayon na nga, Kuya. May pasok kasi sa school ngayon, pero sa umaga lang naman yung mga klase ni Kuya, mamaya siguro siya pupunta. Or pag hindi kinaya, baka sa Sabado na lang.”
“Ahh! Hindi ako pwedeng teacher kahit part-time, masyadong strict sa oras.” natatawang sagot ni Baekhyun. Humarap ito sa dalawang nakababata’t nagtanong, “Saan na kayo niyan ni Sehun?”
Sumagot si Jongin, “Kakain ng lunch, Kuya. Kayo ba?”
“May lakad kami ni Kyungsoo e, baka magalit ‘to kapag hindi natuloy. Kaya sinugod ko yung registrar! Kahit late ako, maaga pa rin naman akong pumila! Grabe siya.” pag-aangal ni Baekhyun.
“O tama na,” sabi ni Kyungsoo. “Kasalanan mo rin naman kasi siraulo ka. Sira ata orasan mo sa bahay.”
“Sorry na nga kasi, tara na, nagugutom na tayong lahat. Sige, Sehun, Jongin, sa labas na kami kakain. Salamat sa pagsama kay Kyungsoo!” sabi ni Baekhyun.
“Thank you, Sehun, Jongin. Kita tayo sometime.” paalam ni Kyungsoo.
Tahimik lang na naglakad ang dalawa hanggang makaabot sa gate ng univ. Dito ay biglang nagsalita si Baekhyun. “Memorable talaga ng gate na ‘to. Favorite place ko na ‘to sa lahat ng lugar.”
“Pinagsasasabi mo.” sagot naman ni Kyungsoo.
“Ikaw talaga, parang hindi ikaw unang humahawak sa kamay ko simula nung naging tayo ha!” pang-aasar ni Baekhyun.
“So? Ayaw mo ba hawakan yung kamay ko?” tanong ni Kyungsoo sabay bitaw sa kamay ni Baekhyun.
Tumawa lang ang isa at hinablot ang kamay ni Kyungsoo pabalik, “Ano ka ba! Dapat kasi magtatanong ka kung bakit ko paboritong lugar ‘to, tapos sasabihin ko kasi dito mo ako sinagot. Tapos dito rin yung ikaw ang unang humawak ng kamay ko. Yun lang naman!” natatawang sagot nito. “Paano kung dito ako mag-propose, Soo?”
Namula naman ang pisngi ng nakababata at binilisan na lang ang lakad niya, “Bahala ka nga sa buhay mo!”
1 year ago
Guest speaker si Baekhyun ng org nila para sa mga bagong members. Magsasalita rin sina Chanyeol at Jongdae, sila kasi ang pinakakilalang mga alumni ngayon ng kanilang org (at college). Inimbitahan niya si Kyungsoo sa welcome party kaya’t nagkukumahog siyang magbihis ngayon dahil late na naman siya, hindi sa welcome party pero sa oras ng pagkikita nila ni Kyungsoo.
Hindi na talaga ako sasagutin non e, bakit ba kasi hindi ako nagdala ng extrang damit, o kaya’y disenteng damit na agad ang sinuot ko papasok kanina. Bumalik pa ko tuloy.
Pagdating sa gate ng univ ay nakita niyang nakaupo si Kyungsoo malapit sa may guardhouse, nakatingin lang sa malayo. Nang tila ba makita nitong papalapit na si Baekhyun at tumayo ito’t tinignan lang nang masama ang isa.
Lumapit si Baekhyun sa nakababata’t aakmang luluhod (na naman) kung hindi lang kinuha agad ni Kyungsoo ang braso nito para hindi matuloy ang binabalak.
“Ano na, Baek. Tara na, kung anomang binabalak mong gawin bago yung welcome party, pagkatapos na natin magagawa. Unang speaker ka pa.” sabi ni Kyungsoo. “Huwag mo nang dumihan yung pantalon mo. Pumasok na sina Chanyeol at Jongdae.”
Hindi pa tapos ang party pero umalis na silang dalawa. Napansin kasi ni Baekhyun na maraming pagkain na gusto ni Kyungsoo ang nakahanda pero hindi ito kumaing mabuti.
Naglalakad silang dalawa ngayon palabas nang magtanong si Baekhyun, “Bakit hindi ka kumain nang marami, Kyungsoo?”
Hindi agad sumagot si Kyungsoo at huminto nang makarating sa gate ng univ. “Anong plano mo ba dapat bago yung party?”
“Ahh, kakain lang sana tayo sa canteen, tulad nung nag-aaral pa tayo.” sagot nito.
“Kakain? E for sure Cracklings lang naman kakainin mo.”
“Ganon na rin yun. Pero ayan hindi natin nagawa kasi late na naman ako. Sorry talaga, Soo! Hindi ko sinasadya. Medyo nainis kasi ako sa ginagawa kong kanta kanina, hindi ko kasi makuha kung ano bang gusto kong ma-achieve? Hindi ko tuloy namalayan yung oras. Tapos nakapambahay lang ako nung pumasok, bakit ba kasi pwedeng ganon lang pumasok, dapat business attire na lang.” mabilis na sabi ni Baekhyun. “Paano kung hindi mo na ako sagutin kasi palagi akong late hay nako paano—”
Tumigil si Baekhyun kakasalita nang maramdaman niyang hinawakan ni Kyungsoo ang kanang kamay niya bago sabihing, “Andami mo palaging sinasabi. Hindi naman ako mababaw na taong babastedin ka kasi palagi kang late. Alam mo para hindi ka na kabahan, sige na, tayo na.”
“Saan tayo pupunta?” nalilitong sagot ni Baekhyun. “Tsaka hinawakan mo yung kamay ko, Soo.”
“Minsan hindi ko alam kung sinasadya mo lang maging clueless o totoo ba yan. Saan tayo pupunta? Magde-date tayo. Pero ikaw lang ang magbabayad dahil pinaghintay mo na naman ako. At hindi Cracklings ang kakainin mo.” sagot ni Kyungsoo sabay habol ng, “At boyfriend na kita.”
Tila ba hinimay pa ni Baekhyun ang bawat sagot ni Kyungsoo. Nang maintindihan niya na lahat ay nagtatatalon siya at nagsisisigaw habang hawak pa rin ang kamay ng isa.
“Soo! Wala ng bawian! Wala na ha!”
Nakita ni Kyungsoo na napatayo ang guard at lalapit na sa kanila kaya pinakalma niya ang kasama, “Oo na, wala nang bawian. Tumahimik ka na!”
